…iSaNG MaHaBaNG PAGLULUKSA…

01 Isang mahabang pagluluksa

Sa mga sandaling ito, habang hinahabi ng aking isip ang mga katagang nais itipa ng aking mga daliri, tanging mga ala-ala ng isang magandang samahan ang unti-unting nilalamon ng nakakatakot na katotohanang maaari itong tuluyang maglaho ang syang nakalarawan sa aking balintataw.

Kay tagal ng panahon mula ng huli kong nagisnan ang aking sariling nangangarap, umaasam, nananabik at nagmamahal.  Hindi ko inaasahang muli akong makakadama ng kakaibang ligaya at saya sa piling ng isang taong gumising sa pusong kay tagal nahimbing.  Inaamin kong napakaraming bagay, higit sa lahat ay emosyon, ang pilit kong ibinaon sa limot.  Ngunit sadya nga atang mapaglaro ang tadhana.  Dahil sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling bumalong ang napakatinding damdamin na muli ay umalipin sa aking mapusok na puso.  Masidhing pag-ibig nga ba itong nagpapahirap sa aking buong pagkatao?  Tanging pagluha bang muli ang kaagapay ko sa bawat sandaling nag-iisa ako at nalulungkot sa iyong napipintong tuluyang paglayo?  Hanggang kailan ko kayang tagalan ang labang sa simula pa lang ay nakalaan na sa akin ang pagkatalo?  Ito na ba ang simula ng aking malungkot na paglalayag at mahabang pagluluksa?  Kamatayan ba ng ating pagkakaibigan ang katumbas ng lahat ng kaligayahang saglit kong tinamasa?

Alam kong batid mo ang aking tunay na damdamin para sa iyo. 

Ang totoo, nagagalit ako sa sarili ko dahil muli kong hinayaang masaktan ako ng walang kalaban-laban.  Naiinis ako sa mga pagkakataong nilulunod ko ang aking sarili sa kasiyahang idinudulot ng iyong pag-aalaga.  Hindi ko sinasadya ang lahat ng ito at lalong hindi ko ninais na mailagay sa alanganin ang mahalagang sangkap at pundasyon ng ating magandang samahan.  Pagtangis at mga butil na luha ang saksi sa aking impit na daing.  Awa at pighati para sa muling pagkabigo dulot ng makasariling pagtatangi.  Mga ala-alang paulit-ulit na binabalikan sa aking isipang nais makahulagpos mula sa isang  bangungot ng nakaambang pagkamuhi.

Ayoko nang umiyak.  Ayoko nang maging mahina. Ayoko nang magmahal upang sa bandang huli ay maging talunan at paulit-ulit na tanggihan.  Ito na ang wakas ng isang panghabang-buhay na pangarap.  Panahon na upang tigilan ang nakakabinging pagluha ng aking mga namumugtong mata.  Tama na ang masasakit na ala-ala.

Para sa taong muling nagpagulo ng aking tahimik na mundo:

Maraming salamat sa magaganda’t masasayang karanasan, ala-ala at larawan ng ating pagkakaibigan.  Hanggang sa ngayon ikaw ang nasa isip ko, ngunit ang lungkot at kasawiang bumabalot sa aking dibdib ay hindi matutumbasan ng kahit ano.  Nagsisisis akong muli kong hinayaang lumubog sa kumonoy ng matatamis na sandali ang aking sarili.  Kung mayroon man akong pinanghihinayangan, yaon ay ang makitang napunta sa wala ang samahang humabi ng ating kwento.  Patawad para sa isang pagkakamaling minahal ka ng labis sa kabila ng katotohanang hindi ka na malaya.  Sa huling pagkakataon, nais kong malaman mong tunay at walang halong pagkukunyari ang pagmamahal na inialay ko sa iyo.  Lagi kong ipagdarasal ang kaligayahan mo sa piling nya.  Nawa  lagi ka nyang iingatan.  Tandaan mong minsan sa isang yugto ng iyong buhay ay dumaan ang isang katulad ko. Naging padalos-dalos ako marahil, nagpanggap, at nagpumilit lumimot.  Subalit sadyang mahal kita.

Nais kong simulan ang bawat bukas nang wala ka sa aking sistema.  Ngayon nakatakdang maganap ang aking mahabang paglalakbay nang nag-iisa. Tuluyan kong ibabaon kasama ng pait na bumibikig sa aking puso ang pag-ibig na maaaring muling magdulot na aking pagkatalo.  Ito ang araw na magtatakda ng kamatayan ng pagmamahal sa aking pagkatao. Panahon na upang tahakin ko ang daan para sa isang mahabang pagluluksa.

- jEvELyN -

   041007

Leave a Reply